Pagbabasa ng Bibliya, tugon sa anxiety, depression

Makatutulong sa mga taong may dinaramdam na problema o suliranin ang pagbabasa ng Bibliya sa halip na ituon ang sarili sa social media o internet.

Ito ang payo ni Father Egai de Jesus, registered counselor at consultant ng University of Santo Tomas Psychotrauma Clinic sa lumalalang mental wellness sa gitna ng pandemya.

Ayon kay Father De Jesus, maraming nilalamang kuwento ng pag-asa ang Bibliya na makatutulong upang maging positibo ang mga tao sa kabila ng mga nararanasang krisis.

“Go back to the Bible. Kasi ito yung maraming kuwento ng pag-asa,” ayon sa pari.



Ipinaliwanag ni Father De Jesus na makatutulong sa mga taong may depression ang pansamantalang pag-iwas sa paggamit ng gadget o pagbababad sa internet kung saan maraming negatibo ang mababasa.

Hinihikayat ng pari ang pagkakaroon ng spiritual exercise, meditation, at spiritual reading na makatutulong na pampakalma kapag nakararanas ng depression at anxiety.

“Kapag nasa concept na sila ng anxiety saka depression, ‘wag naman silang masyadong puro panood ng puro negative,” aniya.

Hinimok din ni Father De Jesus ang mamamayan na gamitin ang social media o internet sa positibong paraan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga propesyonal tulad ng psychologist o pari at higit sa lahat ang pagdarasal at paghingi ng tulong sa Panginoon.

“Find more time to pray to be connected with God. Find your special place in your house where you can sit or kneel down and pray in silence,” dagdag niya.

“Itaas mo yung kamay mo sa Panginoon. Be connected with God, kasi sa huli ang kakapitan mo talaga ‘yung pinakamakapangyarihan sa lahat e. It’s about time to recognize, the mighty power of God,” sabi ni Father De Jesus.

Ayon sa tala ng University of the Philippines, umaabot na sa mahigit 100-tawag sa telepono ang natatanggap nila kada araw mula sa mga nakararanas ng mental health problems.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments