Nanawagan ng dasal para sa mga health frontliner at sa mga apektado ng pandemya si Cardinal Orlando Quevedo ng Cotabato.
Sa mensahe ng kardinal sa kapistahan ng Mahal na Birhen ng Rosaryo, sinabi niya na mahalagang hingin sa Mahal na Ina ang tulong upang tuluyang mahinto ang paglaganap ng pandemya.
“Let us pray for our heroic frontliners, for those who are sick and for those who have passed away; make it your intention to pray to our Lord through the intercession of the Blessed Mother for the end of this terrible COVID-19 pandemic,” pahayag ni Cardinal Quevedo sa panayam ng Radio Veritas.
Hinikayat din ng kardinal ang bawat isa na ialay ang pananalangin ng Santo Rosaryo para sa pangangailangan ng pamilya at maging sa mga sektor na nawalan ng pagkakitaan.
“Pray the Holy Rosary for the many needs of our family, community, and of our whole country; pray for assistance to those who lost their jobs, for those who lack food, funds, and resources,” dagdag ng kardinal.
Batay sa pag-aaral ng National Economic Development Authority tumaas sa 17.5 porsyento ang poverty rate ng bansa dahil sa pandemya.
May 30 porsyento naman ang nagugutom, na katumbas ng mahigit sa pitong milyong pamilya, habang nasa 14 porsyento naman ang nawalan ng trabaho batay na rin sa survey ng Social Weather Stations.
Una nang itinalaga ng Simbahan ang buwan ng Oktubre na Buwan ng Rosaryo kaya hinimok ang bawat pamilya na ugaliin ang pagdarasal nito kasama ang buong mag-anak at idulog sa Diyos sa tulong ng Mahal na Birhen ang bawat kahilingan.
Sa Pilipinas, nagpapatuloy pa rin ang Healing Rosary for the World na pinasimulan ni Pope Francis bilang pakikiisa sa kampanya laban sa COVID-19.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments