Pangulo ng CBCP, nanawagan sa publiko na sumunod sa health protocols

Hinimok ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang publiko, lalo na ang mga mananampalataya at mga naglilingkod sa Simbahan na maging halimbawa sa pagsunod sa mga panuntunan upang maiwasan ang paglaganap ng new coronavirus disease.

Iginiit ni Archbishop Romulo Valles ng Davao na nagbunga ang pagsunod sa safety health protocol na ipinatupad ng pamahalaan at mga eksperto sa kalusugan. Aniya, mahalagang ipagpatuloy ito upang tuluyang mawakasan ang paglaganap ng virus.

“Tayong mga nasa Simbahan, let us take the lead in giving example; let us be obedient and cooperative; to strictly follow health protocols in the context of the pandemic,” sabi ng arsobispo.



Kabilang sa protocol ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol at ang physical distancing.

Umaasa si Archbishop Valles na tuluyang makabalik sa normal na pamumuhay ang pamayanan upang muling magbubuklod ang bawat isa sa pagbibigay papuri sa Diyos sa mga simbahan.

“It is always beautiful and inspiring to come together and praise God; to come together to pray, to worship, to tell ourselves and to tell the Lord and the Blessed Mother that we are your sons and daughters,” dagdag ng arsobispo.

Matatandaang agad na sumunod ang pamunuan ng Simbahang Katolika nang magpatupad ng community quarantine noong Marso kung kailan pansamantalang ipinagbawal ang pagdalo sa mga Misa sa parokya upang maiwasan ang mass gatherings.

Patuloy pa rin ang pagsunod ng Simbahan sa bansa sa panuntunan ng “new normal” bilang pakikiisa sa kampanyang sugpuin ang paglaganap ng virus.

Hinikayat ni Archbishop Valles ang bawat isa na paigtingin ang pagdarasal sa Diyos sa tulong ng Mahal na Birhen sa pamamagitan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments