Nakaalerto ang social action centers ng Simbahang Katolika sa Occidental Mindoro at Catanduanes dahil sa isa na namang bagyo na tatama sa Pilipinas ngayong linggo.
Samantala, patuloy ang isinasagawang “rapid assessment” ng mga diocese na naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Quinta nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Father Rolando Villanueva ng Apostolic Vicariate ng San Jose sa Occidental Mindoro, matindi ang naging epekto ng bagyong Quinta at patuloy itong nagdudulot ng power outage sa lugar.
Ayon sa pari, wala namang naitalang nasawi, ngunit matindi ang naidulot na pinsala sa mga tirahan at sa mga pananim.
Samantala, sa Virac, Catanduanes, sinabi ni Father Renato dela Rosa na tanging ang San Lorenzo Ruiz de Manila Mission Parish sa Tubli, sa bayan ng Caramoran, pa lamang ang nagbigay ng update tungkol sa paglikas ng mga tao.
Patuloy namang humihiling ng panalangin at tulong ang mga diyosesis para sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng sakuna.
Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Quinta, ngunit binabantayan naman ngayon ang panibagong sama ng panahon na tatawaging Bagyong Rolly.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments