Walang ‘lockdown’ sa pagtulong sa mga nangangailangan

“There is no room for selfishness in time of pandemic.”

Ito ang diwa at tema ng Pondo ng Pinoy para sa ika-16 na taong anibersaryo ng community foundation na itinatag noong 2004 ni Cardinal Gaudencio Rosales.

Ang pilosopiya ng organisasyon ay “Anumang Magaling Kahit Maliit Basta Malimit ay Patungong Langit.”



Inihayag ni Bishop Reynaldo Evangelista ng Imus, vice chairman ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc., ang paglulunsad ng programang “Pondo ng Pinoy: Simbolo ng Pag-asa, Pagmamalasakit at Pagdadamayan” sa panahon ng pandemya.

Sabi ni Bishop Evangelista, hindi maaaring i-lockdown ang pagkawanggawa sa mga nangangailangan, lalu na sa mga apektado ng coronavirus pandemic.

Aniya, sa kasagsagan ng pandemya ay nagbigay ang Pondo ng Pinoy ng Php50,000 sa bawat diyosesis at arkidiyosesis sa bansa para sa kanilang pagbibigay tulong sa mga naapektuhan ng krisis pangkalusugan.

Lubos ding nagpapasalamat si Bishop Evangelista sa mga “good Samaritan” na patuloy na nagbibigay ng tulong at nag-iipon ng barya upang makatulong sa kapwa sa kabila ng pagdaranas ng kahirapan at kawalan ng trabaho.

“Hindi puwedeng i-lockdown ang kawanggawa, bawat araw ay sinisikap ng mga mananampalataya na makatulong sa kapwang nangangailanga,” ayon sa obispo.

Aniya, nakakatuwa dahil sa nabuong catechesis o kamalayan ay patuloy na nag-iipon ng 25-sentimos para sa Pondo ng Pinoy ang mga tao.

Iniulat ni Bishop Evangelista na noong taong 2018 ay nakalikom ang Pondo ng Pinoy ng 28 milyong piso mula sa naipong “momo” ng mga mananampalataya.

Noong 2019, umabot naman sa 27 milyong piso ang naipon ng Pondo ng Pinoy mula sa iba’t-ibang parokya at dioceses sa bansa.

Ayon kay Bishop Evangelista, ang nalikom na pondo ay ginamit ng Pondo ng Pinoy sa pagtulong sa mga naapektuhan ng pandemya, Hapag-Asa feeding program sa 200,000 bata, livelihood programs, health projects, at pabahay sa mga dukha.

Muling nanawagan si Bishop Evangelista sa mga mananampalataya na ugaliin ang pag-iipon ng munting “momo” para sa kapwang nangangailangan.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments