Masyado yatang nayanig ang maraming tao sa nakita nilang video na nag-viral sa social media tungkol sa mag-ina na pinatay na parang mga manok ng kapitbahay nilang pulis.
Base sa maugong na reaksyon ng mga taong nananawagan na itigil na ang pagpatay, parang nabuksan ang maraming mga bibig mula sa matagal na pananahimik.
Tamang-tama ang timing sa kuwento ni San Lukas tungkol sa pagkabasag ng matagal na pananahimik ni Zacarias.
Dati-rati, parang taboo sa social media ang pag-usapan ang madalas mangyaring mga pagpatay sa paligid natin. Ang katwiran ng marami ay mahirap nang magsalita at baka balikan pa tayo ng mga killers na “riding in tandem.” O baka kuyugin ka pa ng mga trolls.
Kapag malakas ang social pressure, kapag hindi popular sa public opinion ang parang ibinubulong ng konsensya, mas safe nga naman na tumahimik na lang. Baka mapag-initan ka pa. Baka mapagbintangan kang nakikisawsaw sa pulitika. Baka ma-red tag ka. Baka matawag kang komunista, terorista, addict, kriminal, pasaway, o mayabang.
Aba, ano’ng nangyari at biglang parang lumakas ang loob ng marami na MAGPAKATOTOO?
Kawawa naman si Elizabeth. Kung inaakala ni Zacarias na lulubayan sila ng mga intrigero at intrigerang mga kapitbahay, mas lalong nakasama ang pananahimik niya. (Hindi kaya nanahimik ang matandang Zacarias dahil talagang may duda sa isip niya tungkol sa pagbubuntis ng asawa niya?)
Matinik talagang manukso si Satanas. Minsan, gagamitin niya ang mga dila ng mga usyosero at usyosera na kunwari ay inosenteng nagtatanong o nagsa-suggest, pero nang-uudyok pala ng reaksyon.
Juan daw sana ang itatawag ni Elizabeth sa bagong silang na sanggol. Bigla ba namang sumabat ang mga pakialamerong mga kapitbahay. “Wala namang ganyang pangalan sa pamilya ninyo. Tutal “only son” iyan, ba’t hindi mo pa tawaging Zechariah Junior? Isunod mo na sa pangalan ng tatay niya. Ano kaya at tanungin natin kung ano ang opinyon ni Zacarias?”
At noon nga nabuksan ang bibig ni Zacarias at nagsabing, “Agree ako sa misis ko. Juan ang ipapangalan sa bata.” Ang pagbibigay niya ng pangalan ay tanda na ng pagkilala niya sa bata bilang kanyang anak. Ito ang paraan niya para mapatahimik ang mga chismosong walang magawa sa buhay.
Sa 8th day ng ating Simbang Gabi ito ang ating pangwalong importanteng regalo na dapat dalhin o taglayin para sa misyon: ang MAGPAKATOTOO. Hindi magiging epektibo sa misyon ang mapagbalatkayo o mapagkunwari. Isang katangian na hinihingi ni Hesus sa kanyang mga alagad ay ang lakas ng loob na manindigan para sa tama at totoo at hindi lang magpatangay sa agos ng public opinion or expectations, o mag-“play safe” para sa “self-preservation.”
Si San Bartolome ang naiisip ko kapag ang usapin ay tungkol sa PAGPAPAKATOTOO.
Sa kuwento ni St. John sa 4th Gospel, Nathaniel ang tawag sa kanya. Ito yung alagad na napaka-diretso at napakaprangka kung magsalita. Di ba ang reaksyon niya kay Philip nang sabihin nito sa kanya na nahanap na nila ang Messiah, “Meron bang mabuting pwedeng manggaling sa Nazareth?”
Masakit magsalita si Bartolome, pero at least, hindi siya plastic. Kaya tinawag siyang “Tunay na Israelita” ni Hesus, na wala daw pagkukunwari.
Medyo sarcastic si Jesus doon dahil kung may eksperto sa pagkukunwari at pagbabalatkayo, ito ay walang iba kundi ang ninuno nilang si Jacob na tinawag na Israel. Sa kisame ng Sistine Chapel, si San Bartolome ay iyung taong hubad at hawak ang sariling balat niya. Akala tuloy ng marami tinorture siya at binalatan ng buhay. Hindi. Statement lang ito, na ang taong ito, nang makilala niya si Hesus, ay natutong MAGPAKATOTOO. Hinubad ang balatkayo ng pagkukunwari. At ito rin ang ine-expect niya sa mga kaibigan niya, kung sila ay makikibahagi sa kanyang misyon.
Ito ay homily ni Bishop Pablo Virgilio David para sa Miyerkules, 4th Week of Advent, ikawalong araw ng Simbang Gabi, Dec. 23, 2020, Lk 1:57-66
Source: Licas Philippines
0 Comments