Hindi lahat ng love story, may happy ending

Between Maybes

Nakakabagbag damdamin din pala ang Filipino movies.

Masyado akong nahilig sa horror gayundin sa K-drama. Kaya’t hindi ako gaanong nahuhumaling sa mga movie na gawang Pinoy. Nakakapanood lang ako noon kapag nagkayayaan kami ng mga kaibigan ko.

Hindi naman kasi mahilig si hubby sa mga love story kaya’t kung manood man kami ng Filipino movies, paniguradong horror ang tema.

Dahil nga sa pandemya, nagkaroon ako ng pagkakataong makilatis ang Filipino movies sa Netflix. Noong una, ayaw ko pa ngang mag-subscribe sa Netflix. Sabi ko pa kay hubby, ipa-cut na lang kasi hindi naman mapakikinabangan. Sayang ang monthly na ibabayad. Saka kailangan naming magtipid.



“Iyan na nga lang ang kaligayahan ko bukod sa libro eh,” tandang-tanda ko pang sabi sa akin ni hubby. Kaya ayon nga, hindi na namin pina-cut.

Pero hindi lang pala magiging kaligayahan ni hubby ang panonood ng Netflix dahil maging ako, kinatuwaan din ito. K-darama ang lagi kong pinanonood dahil sa tingin ko ay hindi overacting ang pag-arte ng mga aktor. Hindi kagaya ng ilan sa mga artista natin na idinadaan sa sigaw ang lahat. Hindi tuloy nagiging makatotohan ang pangyayari. Napaka-fake lang kumbaga. Parang pekeng I love You lang ang dating sa akin.

Pero lagi ko ngang sinasabi ‘di ba na sana ay mamulat ang maraming Filipino at makita nila ang katotohanan sa estadong kanilang ginagalawan. At ang mga salitang iyan din ang kumalabit sa akin na maraming mga palabas din palang gawang Pinoy na magdudulot sa iyo ng lungkot at magmumulat sa mga bagay-bagay.

The Panti Sisters
May hagod na ngiti ang palabas. Mayroon ding drama at kagyat na patama sa sosyedad. (Promotional photo)

The Panti Sisters

Sa totoo lang, matagal ko nang gustong panoorin ang “The Panti Sisters.” Nakakatuwa kasi ang trailer nito. Iyon nga lang, hindi ko napanood dahil sa samu’t saring deadline na kailangang unahin.

Noon kasing nagtatrabaho pa ako sa diyaryo, lampas ulo ang stress na nadarama ko. Kaya’t nag-uusap-usap kaming mga editor na manood ng mga nakatatawang palabas nang maibsan man lang ang stress.

Iyon nga lang, hindi talaga kami nagkaroon ng panahong manood. At nang maging available ito sa Netflix, hindi ko na pinalampas ang pagkakataon.

May hagod na ngiti ang palabas. Mayroon ding drama at kagyat na patama sa sosyedad. Pinakatumimo sa akin ang mga linyang: “Fake man ang suot ko, hindi naman fake ang mukha ko.”

Ang daming fake sa mundo. Nangunguna na nga ang mga nahalal na politiko. Ngingiti-ngiti sa harap natin pero kapag nakatalikod pala, sandamakmak ang kabalbalang ginagawa.

Isa rin sa naging highlight para sa akin ng palabas ay ang sinabi ni Daniel (Martin del Rosario) kay Zernan (Joross Gamboa) na: “Kahit na hindi kinikilala ng batas ang kasal natin, okey lang iyan. Ang importante ang seremonyas. Importante ang seremonyas para malaman ng mga tao na nandito tayo.”

Hindi na pala pag-ibig ang importante kundi seremonyas. Aba, hindi yata nakarating sa akin ang memo?

Ang mga hugot sa palabas na “The Panti Sisters” ay simpleng patama sa kakitiran ng utak ng marami sa atin. “Hindi tayo titigil hangga’t hindi dumarating ang araw na tatanggapin nila tayo,” wika pa ni Daniel.

Finding Agnes
“Matutong hanapin ang sarili. Matutong maging matatag sa bawat pagsubok sa buhay.” (Promotional photo)

Finding Agnes

Kakaiba ang movie na ito na pinagbibidahan nina Jelson Bay at Sue Ramirez. Naging kakaiba sa akin ang palabas na ito dahil binali nito ang tipikal na hitsura ng bidang lalaki.

Kadalasan nga naman ay guwapo at matipuno ang mga bidang lalaki. Pero sa “Finding Agnes,” may kaliitan at katabaan si Brix Rivero na ginagampanan ni Jelson Bay.

Natural ang pag-arte ng mga karakter. Medyo nakakapanibago lang ang main actor dahil nga taliwas sa nakagawiang persona ng bida ang kanyang hitsura. Pero maganda ang pag-arte. Pangalawang movie ito na gawang Pinoy ang napanood ko na ang aktor ay hindi kaguwapuhan. Ang una ay “Kita Kita” na pinagbibidahan nina Empoy at Alessandra de Rossi.

May kalabit din sa isipan ang “Finding Agnes.” Isang inang sinasaktan ng asawa kaya’t napilitang lumayo at kahit na masakit ay iniwanan ang anak. Ngunit ang tunay na dahilan ng paglayo nito ay kinimkim at sinarili.

Sa palabas na ito, ipinakikitang maraming ina o babae na kahit sinasaktan ng asawa o lalaki, napipilitang itikom ang bibig at sarilinin ang sakit at pang-aabuso sa dignidad.

Ngunit hindi naman ibig sabihing sinasaktan ka ay mananahimik na lang o hahayaan na lang ang pangyayari.

Pag-ibig sa sarili, iyan ang nababasa ko sa palabas na ito. Kailangang ibigin mo muna ang sarili mo para ibigin ka rin ng mga taong nakapalibot sa iyo. Matutong hanapin ang sarili. Matutong maging matatag sa bawat pagsubok sa buhay. Matutong ipaglaban ang dapat ay sa atin.

Between Maybes
“Iba-iba ang atake ng bawat palabas. Pero lagi’t lagi itong may hiwa sa ating puso kahit na ang mga simpleng eksena lang.” (Promotional photo)

Between Maybes

Sapul sa puso ang mga eksena sa “Between Maybes” na ginampanan nina Gerald Anderson (Louie Puyat) at Julia Barretto (Hazel Ilagan).

“Alam mo ba kung bakit ka namin pinipilit na mag-artista, dahil boba ka. Bata ka pa napansin na naming ‘yun ng papa mo e, maski nga ‘yung mga tito at tita mo. Hindi ka naman katalinuhan. ‘Di ba lagi ka ngang bagsak. Magpasalamat ka, pinanganak ka naming maganda. Saan ka na lang pupulutin kung hindi ka nag-aartista?”

Matindi ang linyang ito. Humihiwa sa puso. May mga salitang puwedeng tanggapin kahit na masakit pero mayroon din naming hindi talaga katanggap-tangap. Abuso na.  

Ang nangyari kay Hazel, umalis siya at nagtungo sa Japan. Doon niya nakilala si Louie. Sa pananatili niya sa Japan, nakaramdam siya ng kalayaan. At kalayaang ding umibig.

Natauhan din si Hazel. Lalo na nang ipamukha sa kanya ni Louie kung bakit hindi na siya gusto ng kanyang fans. Artista sa Filipinas si Hazel. Iyon nga lang lumalaos na. Wala nang gaanong projects.



At ang nangunguna ngang dahilan ng pagkalaos  ni Hazel ay ang kanyang ugali. Nagbago na ito. Parang mga namumuno lang sa gobyerno ang peg, kung kailan naluklok sa tungkulin ay saka naman naging mayabang. Nakakalimutan nilang ang tagumpay o posisyong pinanghahawakan nila ay dahil sa mga taong nagtiwala sa kanila.

Pero ang maganda sa “Between Maybes,” nakita ni Hazel ang pagkakamali niya.

Sana gaya ni Hazel, makita rin ng mga kababayan natin ang kamaliang umiimbuyog sa lipunan.

Iba-iba ang atake ng bawat palabas. Pero lagi’t lagi itong may hiwa sa ating puso kahit na ang mga simpleng eksena lang.

Kagaya ng buhay, hindi rin lahat ng love story ay may happy ending. Pero hindi ibig sabihin nito, susuko na lang tayo. Puwede namang winning ending, ‘di ba?

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments