‘Baptismal catechism,’ bibigyang tuon ng Archdiocese of Manila

Bilang bahagi ng paghahanda sa ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas at pag-alaala sa ginanap na unang binyag sa bansa, inilaan ng Archdiocese of Manila ang limang linggo ng Kwaresma sa pagbibigay ng tuon sa kahalagayan ng binyag.

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Maynila, ang “baptismal catechism” ay ang pagtatalakay at pagbibigay ng tuon sa binyag.

“Tuwing linggo ng Kwaresma, isang element ng binyag ang ating binibigyang halaga. Tulad last Sunday, binigyang halaga natin ang ‘baptismal promises o baptismal commitment,’” ayon sa obispo.

“Ngayong linggo, ang bibigyan natin ng halaga ay yung ‘puting damit’ na isusuot sa atin, Transfiguration of the Lord,” aniya.



Ayon kay Bishop Pabillo, ang kapangyarihan ng binyag ay hindi lamang pag-aalis ng original sin kundi ang pagiging anak ng Diyos.

“Pero ang mas mahalaga tayo ay naging anak ng Diyos at tayo ay naging bahagi ng Simbahan kaya tayo ay nagtutulungan kasi tayo ay mga binyagan,” ayon pa sa obispo.

Sa ika-14 ng Abril ay muling gugunitain ng iba’t-ibang Simbahan ang naganap na unang binyag sa Pilipinas kung saan may 500-sanggol ang bibinyagan sa ilang parokya kabilang na sa Archdiocese of Cebu, ang itinuturing na sentro ng pananampalatayang Katoliko.

Una na ring pinalawig ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang isang taon na pagdiriwang ng “500 years of Christianity” hanggang 2022 dahil na rin sa pandemya.


Source: Licas Philippines

0 Comments