Papal Nuncio, pinangunahan ang pagtatalaga ng simbahan kay St.John Paul II sa Bataan

Umaasa si Archbishop Charles Brown, papal nuncio sa Pilipinas, na patuloy na isabuhay ng mga Filipino ang mga gawi ni St.John Paul II na mapagkalinga sa higit na nangangailangan.

Ito ang mensahe ng arsobispo sa paggunita ng pagdalaw sa Pilipinas, partikular sa Bataan, ng santo na noo’y Santo Papa upang bisitahin at makipagkaisa sa mga refugee apat na dekada ang nakalipas.

“We remember Saint John Paul II in a very special way, his love and affection for the refugees that Filipinos should continue to live,” pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Veritas 846.



Pebrero 21, 1981, nang bisitahin ni St. Pope John Paul II ang refugee camp sa Morong, Bataan, bilang tanda ng pakikiisa ng Simbahang Katolika sa mga refugee na napilitang tumakas sa kanilang mga lugar dahil sa kaguluhan at karahasan.

Sa pagbisita ni Pope John Paul II sa lugar hinimok nito ang mamamayan na magkaisa sa panawagan sa iba’t-ibang bansa na tulungan ang mga refugees na muling palakasin ang kanilang kalooban at bigyang pagpahalaga sa bawat bansang pinuntahan.

Bilang paggunita sa makasaysayang pagbisita ng santo, isang simbahan ang itinalaga sa ilalim ng kanyang pangalan sa Hermosa, Bataan, ang Diocesan Shrine of Saint John Paul II.

Ayon kay Bishop Ruperto Santos ng Balanga, ito ay sagisag ng pagiging bukas ng mga Filipino sa pagtanggap ng mga nangangailangan ng kanlungan.

“Ito ay tanda na mayroong isang tahanan ang bawat isa, na ang Pilipinas, partikular ang Bataan, ay bukas sa mga taong naghahanap at nais makadaupang palad ang Panginoong Diyos,” pahayag ni Bishop Santos.

Pinamahalaan ni Father Antonio Quintos Jr. ang parokya katuwang si Father Anthony Sibug na kapwa nagpapasalamat sa mga donor at sa lahat ng tumulong upang maitayo ang simbahang nakatalaga kay Saint John Paul II.

Ikinatuwa ng kinatawan ni Pope Francis ang pagiging magiliw ng mga Filipino na nakahandang tumanggap ng mga panauhin sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng bawat pamilya.

Dumalo rin sa pagtalaga ng simbahan ang mga opisyal ng Sangguniang Panlalawigan ng Bataan sa pangunguna ni Governor Albert Garcia, mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan, ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at ang mananampalataya ng Hermosa, Bataan.

Mensahe ni Archbishop Brown sa mananampalataya na pangalagaan ang bahay dalanginan at palaguin ang pananamapalataya sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa kapwa tulad ng mga halimbawa ni Saint John Paul II.


Source: Licas Philippines

0 Comments