Paglapastangan ng mga imahe sa Basilan kinundena ng mga misyonerong Claretiano

Kinundena ng Claretian Missionaries ang paglapastangan sa imahe ng mga banal at Mahal na Birhen sa dalawang kapilya sa Prelatura ng Isabela de Basilan.

Sa pahayag na inilabas ng kongregasyon, muli nitong iginiit ang pakikiisa sa kapayapaan at bukluran ng mamamayan sa Basilan sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw, pananampalataya, at tradisyong kinagisnan.

“We condemn this disgraceful act and we implore those who are in power to ensure that something similar will not happen again in the future,” bahagi ng pahayag ng Claretian Missionaries.



Noong Pebrero 17, natagpuan ang ilang imahe ng mga santo at Mahal na Birhen na putol ang ilang bahagi ng katawan sa San Isidro Labrador chapel sa Sta. Clara, Lamitan City, at sa San Antonio De Padua chapel sa Little Cebu, Barangay Maganda, sa parehong lunsod.

Ikinalungkot ng mga Claretiano ang insidente lalo’t naganap ito sa Miyerkules ng Abo, ang pagsisimula sa panahon ng Kwaresma.

“The act of sacrilege leaves not only a mark of utter disrespect to faith, but also a blatant affront to the peace-loving Catholic believers in the prelature,” dagdag ng mga misyonero.

Suportado ng kongregasyon ang panawagan ni Bishop Leo Dalmao sa mamamayan na manatiling kalmado sa kabila ng paglapastangan.

Aktibo ang mga Claretiano sa Basilan bilang mga misyonerong nangangalaga sa 30 porsyento ng mga Katoliko sa lugar.

Dalangin din nito ang pagkakaisa at kapayapaan tungo sa kabutihan ng nakararami.

“We ardently pray for the end of this vicious act of hate even as we continue to implore for peace and respect, seeking the common good for all,” dagdag nila.

Nanawagan naman ng patuloy na pagkakaisa ang prelatura upang higit na matamasa ang kapayapaan sa lalawigan.


Source: Licas Philippines

0 Comments