Obispo nanawagan ng suporta para sa Alay Kapwa sa panahon ng Kwaresma

Hinimok ng Caritas Philippines ang mga mananampalataya na suportahan ang Alay Kapwa program ng Simbahan.

Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo, national director ng Caritas Philippines, nawa’y isabuhay ng mananampalataya ang diwa ng Kwaresma na panalangin, pag-aayuno, at paglilimos bilang pakikiisa sa sakripisyo ng Panginoon.

“The best expression of almsgiving is Alay Kapwa,” aniya. “Kahit sa kaunting tulong kapag pinagsama-sama marami na tayong matutulungan,” dagdag ng obispo.



Ibinahagi ni Bishop Bagaforo na ang pondo ng Alay Kapwa noong nakalipas na taon ay inilaan para sa “rehabilitation program” ng Caritas Philippines sa mga labis naapektuhan ng mga bagyo at mga lindol.

Sa kabila ng limitadong pondo at sa epekto ng pandemya, milyong indibidwal pa rin ang natulungan ng Simbahan na makaahon sa mga kalamidad habang nagpapatuloy din ang iba pang programa ng Caritas Philippines tulad ng scholarship program sa mahihirap na kabataan.

“Ang pagtulong sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos,” ayon kay Bishop Bagaforo.

Nitong Pebrero 15, lumagda ng kasunduan ang Caritas Philippines at ABS-CBN para isulong ang Alay Kapwa.

Naglunsad din ng online platform ng pagbibigay ng donasyon sa naturang programa gamit ang GCash, Paymaya, at iba pa.

Umaasa ang obispo na gawing makabuluhan ng mananampalataya ang Kwaresma sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga social program ng Simbahan.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments