‘Empower women,’ panawagan ng mga obispo sa Buwan ng Kababaihan

Nanawagan ang Episcopal Office on Women ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng “women empowerment” sa pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso.

“We should empower women na ma-maximize ang kanilang potential,” ayon kay Bishop Crispin Varquez, chairman ng komisyon.

“We should not limit their capacities and potentials kasi marami rin naman silang magagawa na ginagawa ng mga lalaki,” dagdag ng obispo.

Aniya, dapat kilalanin ng lipunan ang kakayahan ng mga babae sa kani-kanilang larangan sa halip na maliitin at isantabi.



Sinabi rin ng obispo na dapat kilalanin ng mga babae at lalaki ang bawat isa na bahagi ng komunidad at iwasan ang kompetisyon upang magkaroon ng pagkakaisa.

Ipinaalala ni Bishop Varquez na lahat ng tao ay nilalang ayon sa wangis ng Panginoon kaya mahalagang igalang ang bawat isa.

Taong 1988 nang ideklara ang National Women’s Month batay na rin sa Proclamation No. 227 habang ang Republic Act No. 6949 ay nagdeklarang National Women’s Day ang Marso 8.

Pinaalalahanan ni Bishop Varquez ang mamamayan na ang babae ay hindi isang bagay kundi isang mahalagang nilikha ng Panginoon na dapat igalang at bigyang dignidad.

Sa isinagawang National Demographic and Health Survey noong 2017 lumabas na isa sa bawat 20 kababaihan edad 15 hanggang 49 ang nakaranas ng pang-aabusong sekswal.

Sa pag-aaral naman ng United Nations Population Fund tumaas sa 16 na porsyento ang “gender-based violence” sa mahigit 800,000 na kababaihan.

Naniniwala si Bishop Varquez na matatamo ang kapayapaan at pagkakaisa ng pamilya kung may paggalang at pagkilala sa bawat kasarian. – mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments