Tumataas na bilang ng krimen laban sa mga Asyano sa US, nakababahala na

licas news philippines

Nagpahayag ng pagkabahala si Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, sa paglala ng tinatawag na “Asian hate crimes” sa Amerika lalo na sa panahon ng pandemya.

Ayon kay Bishop Santos, pagkakaisa at pagtutulungan ang higit na dapat na manaig sa gitna ng patuloy na pagharap ng lahat sa banta ng COVID-19.

Ayon sa obispo, hindi naaangkop ang anumang uri ng pang-aabuso at pagpapalaganap ng galit laban sa anumang lahi tulad ng mga Asyano.



Sa halip aniya na magpalaganap ng galit na magdudulot sa pagkakawatak-watak at karahasan ay mas dapat higit na manaig ang pagkakaisa at paggalang sa mga karapatan, kulay, kultura, pananampalataya at pinagmulan ng bawat isa.

“Hate leads to division and will only fan violence. And violence will never be a solution to any crisis or conflict,” ayon kay Bishop Santos sa panayam sa Radio Veritas 846.

Tiniyak naman ng obispo ang panalangin para sa kapakanan at kaligtasan, partikular na ng mga Filipino sa Estados Unidos na lantad rin sa mga karahasan.

Ipinapanalangin din ni Bishop Santos ang pagpapanibago ng puso ng mga nagpapalaganap ng galit sa kapwa upang manaig sa bawat isa ang pagmamahal, kapayapaan, at pagtutulungan ngayong panahon ng pandemya.

Naunang nagpahayag ng pagkabahala ang Embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos dahil sa pagtaas ng kaso ng “hate crimes” laban sa mga Asyano.

Nanawagan na rin ang Embahada ng Pilipinas sa mga otoridad na paigtingin ang proteksyon sa mga Asyano.

Tinatayang mayroong mahigit sa dalawang milyong Filipino ang nasa Estados Unidos.


Source: Licas Philippines

0 Comments