Obispo ng Maynila nanawagan na wakasan ang ‘political dynasty’ sa bansa

Hindi dapat maging bahagi ng kultura ng Pilipinas ang umiiral na “political dynasty” sa pamahalaan.

Ito ang binigyang diin ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, kaugnay sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.

Ayon sa obispo, na siyang chairman ng Episcopal Commission on the Laity, dapat tuldukan na ng mga botante ang pamamayagpag ng “political dynasty” sa bansa.

Sinabi ni Bishop Pabillo na bilang bahagi ng lipunan na humuhulma sa kultura ng bansa ay dapat na manindigan ang bawat mamamayan sa tuluyang pagwawaksi ng “political dynasty.”



Iginiit ng obispo na nagsisimula sa kapangyarihan ng bawat isa na bomoto sa halalan ang pagbabago sa sistema ng politika at pamamahala sa bansa.

“Mahalaga ang bawat boto natin,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas 846.

Binigyan diin ng obispo na mahalagang kundinahin at iwaksi ang “political dynasty” sa pamamagitan ng hindi paghalal sa mga magkakamag-anak sa anumang posisyon sa pamahalaan.

“Hindi tayo titigil ng pagdi-denounce ng political dynasty, at pangalawa kapag ang isang kandidato ay tumakbo na siya ay kamag-anak ng isang kandidato huwag na natin iboto … kahit na magaling pa siya,” dagdag ni Bishop Pabillo.

Pinayuhan ni Bishop Pabillo ang mga botante na isaalang-alang ang kabutihan ng bayan o ng mas nakararami sa paghalal ng mga opisyal ng gobyerno.

Umaasa ang obispo na mabuksan ang kamalayan ng bawat isa na ang “political dynasty” ang isang dahilan ng patuloy na korapsyon na nagaganap sa lipunan.

“Hindi mo dapat tinitingnan ang utang na loob mo, tingnan mo yung ikabubuti ng bayan,” aniya.

Ayon sa datos ng Center for People Empowerment in Governance, aabot sa 178 ang bilang ng mga “dominant political dynasties” o kilalang angkan sa larangan ng politika sa bansa.

Sinasabing 94 porsiyento sa 80 na lalawigan sa Pilipinas ay mayroong “political dynasty.”


Source: Licas Philippines

0 Comments