Handang magbukas ng mga simbahan ang Archdiocese of Lipa para sa mga tao na lilikas kung sakaling lalala ang sitwasyon sa bulkang Taal.
Ayon kay Father Jayson Siapco, director ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission, hindi pa naman kinakailangang lumikas ang mga maaapektuhang residente ng lalawigan.
Aniya, nagsagawa na ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa lalawigan ng pagtukoy sa mga lugar na magiging ligtas na “evacuation area” sakaling lumala ang sitwasyon ng bulkan.
Inihayag ni Father Siapco na nagpaplano ang arkidiyosesis na bubuksan ang mga simbahan at iba pang pasilidad para sa mga magsisilikas na residente.
Paliwanag ng pari na kapag binuksan na ang mga simbahan, kanilang titiyakin ang patuloy na pagsunod sa health protocols upang makaiwas na mahawaan ng COVID-19.
“For sure magbubukas tayo, pero kailangan lang natin ilatag ang protocol,” aniya.
“If ever na mag-evacuate ang mga tao, then we can openly and courageously open our churches and our institutions,” ayon kay Father Siapco.
Maliban dito ay patuloy rin ang pagtulong ng arkidiyosesis sa mga residenteng isang taon nang namamalagi sa evacuation centers magmula noong nakaraang taon.
Batay sa huling ulat, naitala ang Alert level 2 status sa bulkang Taal na nangangahulugan ng pagtaas ng antas ng pagliligalig makaraang makapagtala ng 28 na pagyanig. – mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments