Nagpahayag ng pakikiisa ang pontifical foundation na Aid to the Church in Need (ACN) sa pananalangin ng buong Simbahang Katolika sa Pilipinas para sa kapayapaan sa Myanmar.
“Ang pagkakaisa natin bilang mga Kristiyano na naghahangad ng pagkakaunawaan, pagtanggap at kapayapaan ay mabisang sandata upang tuluyang mawakasan ang hidwaan,” ayon kay Jonathan Luciano, national director ng ACN sa Pilipinas.
Aniya ang hidwaan ay nagdudulot ng hirap, pasakit at takot sa marami, lalo na sa mga lugar kung saan tinutuligsa at pinahihirapan ang mga Kristiyano.
Sa panayam sa Radio Veritas 846, sinabi ni Luciano na higit na mabisa ang sama-samang pananalangin ng mga Kristiyano.
“Dumalangin tayo sa Diyos ng kapayapaan at pag-ibig na sana ay pakinggan Niya ang ating pangalangin para sa isang mundong pinaghaharian ng pag-ibig at pagkakaunawaan,” dagdag ni Luciano.
Nagpahayan kamakailan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng pakikiisa ng Simbahan sa Pilipinas sa pananalangin para sa kapayapaan ng Myanmar.
Umapela si Archbishop Romulo Valles ng Davao, presidente ng CBCP, sa lahat ng mga diyosesis at arkidiyosesis na mag-alay ng panalangin para sa Myanmar.
Nanawagan nitong nakalipas na linggo si Cardinal Charles Maung Bo ng Yangon ng pakikiisa at pananalangin matapos atakihin ng militar ang isang Simbahan sa Myanmar.
Tinatayang umaabot na sa mahigit 820 ang nasawi dulot ng patuloy na nagaganap na kaguluhan at karahasan sa Myanmar.
Source: Licas Philippines
0 Comments