Handa ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission sakaling pumutok ang bulkang Taal.
Nangangamba ang mga residente ng Batangas at Cavite dahil sa mga pagkulog at pagkidlat na naganap nitong nakaraang araw na inaakalang muling nagligalig ang bulkang Taal.
Huling pumutok ang bulkan noong Enero 2020 na nagsimula sa pagkulog at pagkidlat katulad nang naganap nitong Linggo ng gabi.
Paglilinaw naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na ang pagkulog at pagkidlat ay hindi indikasyon ng muling pagputok ng bulkang Taal.
Batay sa ulat ng ahensya, walang naitalang volcanic earthquake sa nakalipas na 24 na oras.
Ayon sa ulat, mayroong naganap na “upwelling” sa main crater ng bulkan na lumikha ng makapal na usok na may taas na isang kilometro, gayundin ang marahang pamamaga sa paligid ng bulkang Taal magmula nang ito’y huling sumabog.
Kasalukuyan pa ring nakataas sa Alert Level 2 ang bulkang Taal kaya patuloy na ipinapaalala ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa Taal Volcano Island o Permanent Danger Zone.
Source: Licas Philippines
0 Comments