‘Spiritual impact,’ inaasahang magiging bunga ng ‘penitential service’ ng mga pari sa Maynila

Umaasa si Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Maynila, na magbunga ng paglago sa espiritwalidad ang isinagawang “penitential service” ng mga pari ng arkidiyosesis.

“Inaasahan po naming impact ay spiritual impact,” aniya sa panayam sa Radio Veritas 846.

“Naniniwala tayo sa salita ng Diyos na kapag tayo’y nagsisi, nagbagong buhay at nanalangin sa Diyos pakikinggan niya ang ating dasal,” dagdag ng obispo.

Matagumpay na naisagawa ang “Day of Fasting, Prayer, Penitential Service and Penitential Walk” ng arkidiyosesis na dinaluhan ng humigit-kumulang isandaang pari nitong Martes, Hunyo 1.

Sa kanyang homiliya, hiniling ni Bishop Pabillo ang patuloy na paghingi ng tawad sa Panginoon, dahil ang paghingi ng tawad ay nagtatanggal ng kasalanan na ugat ng kasamaan.

Paanyaya ng obispo sa mga dumalong pari na palakasin ang pananalig sa Diyos upang tulungan ang sarili at ang kawan ng Diyos.

Sa paliwanag ni Bishop Pabillo, ang mga pari ang kumakatawan sa sambayanan na nagbabalik loob at buong kababaang loob na humingi ng kapatawaran sa mga pagkukulang sa Diyos at sa kapwa.

Isinagawa ang penitential walk sa unang araw ng Hunyo bilang paghahanda sa buwan ng Kabanal-banalang puso ni Hesus at sa pagdating ni Cardinal Jose Advincula, bagong arsobispo ng Maynila.


Source: Licas Philippines

0 Comments