Archdiocese of Jaro, tumutugon sa pangangailangan ng mga apektado ng pandemya

Magpapatuloy ang Archdiocese of Jaro sa lalawigan ng Iloilo sa pagtulong sa mga mahihirap sa kabila ng pagpapatupad ng mahigpit na community quarantine measures sa lugar.

Tiniyak ni Msgr. Meliton Oso, social action director ng arkidiyosesis, ang tulong matapos makatanggap ng ayuda mula sa Caritas Manila para sa 2,000 mahihirap na pamilya sa lalawigan ng Iloilo at Guimaras.

Aminado si Msgr. Oso na malaking tulong ang proyekto ng Caritas Manila katuwang ang pribadong kumpanya na Accenture Philippines upang maka-agapay sa mga mahihirap sa gitna ng suliranin sa pandemya.

“Lahat lahat po ng binigay sa amin ay mga 2000 [pieces] at malaking tulong po ito sa mga mahihirap sa Archdiocese of Jaro compose of the province of Guimaras and the province of Iloilo,” ayon sa pari.

“We are very thankful for Caritas Manila for extending to us this kindness,” pahayag ni Msgr. Oso sa panayam ng programang Caritas in Action.

Maliban sa paghahatid ng mga groceries sa mga mahihirap ay nagpapatuloy din ang Caritas kindness program ng arkidiyosesis.

Ang Caritas kindness station ay tulad din ng pagsasagawa ng community pantry sa paraan na ayon sa turo ng Simbahang Katolika.

“Talagang ganyan ang sitwasyon ng mga mahihirap at nagugutom kaya binibigay na namin ng maaga yun mga ticket, uwi muna kayo punta na lang kayo pagbukas namin at ina-identify namin barangay per barangay para hindi palaging suki ang dumadating,” dagdag pa ng pari.

Nasa 28 diyosesis sa Pilipinas ang naging katuwang ng Caritas Manila upang mamahagi ng mga gift certificate sa mga tinuturing na “ultra poor families” o yong kumikita lamang ng mas mababa pa sa 10 libong piso kada buwan.


Source: Licas Philippines

0 Comments