Kinilala ni Bishop Honesto Ongtioco ng Cubao ang malaking tulong ng iba’t ibang Catholic institution sa bansa sa pagpapalawig ng misyon ng Simbahan.
Sa pagninilay ng obispo sa ginanap na Holy Spirit Mass ng Diocese of Cubao Education System, kanyang binigyang diin ang mahalagang tungkulin ng Catholic schools sa pagbibigay pag-asa sa mamamayang humihina ang pananampalataya bunsod ng mga hamong kinakaharap.
“This is where we see the importance of our mission as a Catholic institution, it is to bring the gift of hope to many,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Ongtioco.
Batid ng obispo ang matinding hamon na pinagdaanan ng mga paaralan lalo na sa “new normal” sa larangan ng edukasyon.
Tiwala ang pinunong pastol ng diyosesis na sa pamamagitan ng paggabay ng Banal na Espiritu ay mapagtagumpayan ang bawat suliranin at higit na manaig ang diwa ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
“Still, inspite of many problems we are determined to continue for we believe in our mission; we will be always guided by the Holy Spirit,” giit pa ng obispo.
Hamon ni Bishop Ongtioco sa mananampalataya na ipagpatuloy ang paglingap sa labis na nangangailangan sa lipunan at maging instrumento ng pag-ibig ni Kristo.
Kinilala ng obispo ang pagtutulungan ng pamayanan sa gitna ng pandemya tulad ng community pantries na umagapay sa pangangailangan ng mga labis naapektuhan ng pandemya.
“God used many people to make them channels of his love to give hope to others to make them realize that God is not distant, He’s close to us through people He sends into our lives,” dagdag pa ni Bishop Ongtioco.
Nagpasalamat naman ang obispo sa mga magulang na patuloy na ipinagkatiwala ang paghuhubog ng kanilang mga anak sa parochial schools ng diyosesis. – mula sa ulat ng Radio Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments