Caritas Manila, pinaghahandaan ang rehabilitasyon ng mga naapektuhan ng bagyo

Umabot na sa PhP20.3 million ang paunang tulong na ipinadala ng Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng Caritas Manila sa mga lalawigan at diyosesis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong “Odette.”

Tiniyak ni Caritas Manila executive director Father Anton Pascual na bago ang pagtatapos ng taong 2021 ay maramdaman ng mamamayan sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo na hindi sila tinatalikuran ng Simbahan.

Sa mensahe na ipinadala ni Father Pascual, sinabi nito na sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan ng mga sinalanta ng bagyo ay mayroon pa rin pag-asang hatid ng ating pananampalataya kay Kristo.



“Habang buhay may pag-asa sapagkat may Diyos na nagmamahal sa atin at kasama natin siya sa pagpasok ng bagong taon 2022,” ayon said pari.

“Sa harap ng mga pagsubok tulad ng mga kalamidad, tayo ay hindi nag-iisa. Kasama natin si Hesus at ang buong sambayanan na haharap at sa awa ng Diyos ay magtatagumpay,” aniya.

Umabot na sa 11 diyosesis ang nakatanggap ng ayuda mula sa Caritas Manila. Nakatanggap din ng tulong-pinansiyal ang Apostolic Vicariate ng Taytay at Puerto Princesa sa Palawan.

Ang nasabing pondo ay una nang ginamit ng mga naapektuhang diyosesis sa relief operation habang ang iba ay ilalaan para sa early recovery at rehabilitation.

Nagpapasalamat naman ang mga pari sa Visayas at Mindanao sa tulong na kanilang natanggap mula sa Caritas Manila.

“This is a great news. We do not only stop at the emergency response but can already start with the rehabilitation with this assistance,” ayon kay Father Felix Warli Salise, social action director ng Diocese of Tagbilaran.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC umabot na sa 4.2 milyong katao ang naapektuhan ng bagyong “Odette.”


Source: Licas Philippines

0 Comments