‘Iparamdam sa kapwa na hindi ito nag-iisa’

Sikaping kalingain at iparamdam sa kapwa na hindi ito nag-iisa sa kabila ng patuloy na pag-iral ng iba’t ibang krisis sa lipunan.

Ito ang sinabi ni Camillian priest Father Dan Cancino, executive secretary ng Episcopal Commission on Health Care, hinggil sa mga nakakaranas ng mental health problems dulot ng krisis.

Ayon kay Father Cancino, makabubuti na laging kumustahin ang kapwa na nakararanas ng lubos na kalungkutan o depresyon upang maramdaman na mayroon itong kasama sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay.



“Ang maganda talagang gawin is to accompany. I-accompany itong mga taong nag-a-undergo ng anxiety at depression. Pakinggan sila at i-assure sa kanila na ikaw ay nandoon para sa kanila,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.

Dagdag ng opisyal na karamihan sa mga tao lalo na ngayong pandemya ang walang masandalan upang mapagsabihan ng mga suliranin sa buhay.

Kaya’t ang iba rito na sa halip na makita ang pag-asa ay mas pinipili na lamang na tapusin ang sariling buhay.

Sinabi naman ni Fr. Cancino na maliban sa mga eksperto tulad ng mga psychiatrist, ang bawat isa ay may kakayahang matulungan ang kapwang nakakaranas ng depresyon upang muling makita ang pag-asa at kapayapaan ng kalooban sa kabila ng iba’t ibang nagaganap sa lipunan.

“Dapat tayo’y umaksyon na ngayon. Hindi lamang yung mga professionals ang may kakayahang pagalingin ang mga may depression, kundi ang bawat isa sa atin ay may kakayahan at gampanin din na tulungan ang mga ito,” saad ni Fr. Cancino.

Batay sa National Center for Mental Health (NCMH) crisis hotline, tumaas ng 400 tawag kada buwan ang natatanggap ng ahensya kumpara sa 80-tawag lamang kada buwan bago dumating ang pandemya.

Ayon naman sa World Health Organization, mas marami ngayong edad 15 hanggang 29 na taong gulang ang nakakaranas ng depresyon.


Source: Licas Philippines

0 Comments