Hinihikayat ni Bishop Julito Cortes ng Dumaguete ang mga deboto ng Santo Niño na patuloy na manalangin at magpasalamat sa mga biyaya ng Panginoon sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng COVID-19.
“I hope that the timeliness of the season is a sign that God is with us and helping us. In the midst of adversities, we will rise again,” ayon kay Bishop Cortes.
Sabi ng obispo, masasalamin sa sama-samang pagtutulungan at malasakit sa kapwa ang pagiging isa ng mga tao sa Panginoon upang muling makabangon mula sa iba’t ibang pagsubok.
Sa Enero 16, magdidiriwang ang Simbahang Katolika sa Pilipinas ng “Pista ng Batang Hesus.”
Bagama’t maraming gawain ang naipagpaliban dahil sa pandemya, hindi nagbabago ang debosyon ng bawat mananampalataya.
Ipinag-utos na ng Arkidiyosesis ng Cebu ang pagdiriwang ng Misa sa bawat parokya para sa kapistahan upang maiwasan ang pagtitipon lalo na sa Basilica ng Santo Niño.
Ang panuntunan ng Simbahan ay inihayag bago pa man itaas sa Alert Level 3 ang Cebu City.
Sa ilalim ng “community status,” ipinagbabawal ang paggala ng mga hindi pa bakunadong indibidwal lalo na sa shopping malls at closed door establishments.
Samantala, isang buwan matapos ang pananalasa ng bagyong “Odette,” patuloy ang isinasagawang pamamahagi ng tulong ng Diyosesis ng Dumaguete sa nasasakupang lugar na napinsala ng kalamidad.
Ayon kay Bishop Cortes, sampung parokya sa diyosesis ang labis na napinsala ng bagyo.
Nagpapasalamat naman ang obispo sa mga natanggap na tulong para sa kanilang mga kababayang nasalanta.
Kabilang ang Dumaguete sa tumanggap ng tulong mula sa Caritas Manila na nagkakahalaga ng 1.5 milyong piso para sa rehabilitasyon.
Source: Licas Philippines
0 Comments