Vicariate ng Puerto Princesa, nakaalalay sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ni ‘Odette’

Patuloy na bumabangon ang Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa sa Palawan mula sa epekto ng bagyong “Odette.”

Ito ang tiniyak ni Father Jasper Lahan ng “Typhoon Odette Response” ng Bikaryato.

Sinabi ng pari na patuloy silang umaalalay sa mga naapektuhan ng bagyo sa pamamagitan ng “relief distribution” at sa bahagi naman ng “rehabilitation” ng mga nasirang mga bahay.

Katuwang ang Caritas Manila, kumikilos na ang lokal na Simbahan upang makapagbahagi ng tulong sa mga nasiraan ng tahanan dahil sa bagyo.

“Bilang Simbahan, tayo ay nagsusumikap na itaguyod at tulungan ang mga nangangailangan,” ayon kay Father Lahan.

Ipinagpapasalamat ng pari ang pagtugon ng mga mananampalataya sa pangangailangan ng mga nabiktima ng bagyo.

“Ang kabutihan lang din po na nangyayari ngayon ay overwhelming,” aniya. “Kahit may pandemya, pero kapag pagtulong sa kapwa sa pag-aayos ng goods napakarami po ng mga nagvo-volunteer.”

“‘Yan po ang isa sa pinagpapasalamat namin, ‘yung social awareness ng mga Kristiyano na kapag mayroong kailangan tugunan, sila po ay nagsusumikap na makibahagi.”

Magugunitang bago ang Pasko labis na napinsala ang ilang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao dahil sa pananalasa ng bagyong “Odette” na nakaapekto ng tinatayang aabot sa 1.2 milyong tao.


Source: Licas Philippines

0 Comments